Latest News‎ > ‎

CATANING E/S, HATAW SA DUGONG BALANGUEŇO

posted May 12, 2011, 1:11 AM by Gemma Rose Loyola

Muli na namang ipinakita ng Cataning Elementary School ang kanilang pambihirang galing sa naidaos na contest sa Dugong Balangueňo Hymn Mass Competition na nilahukan ng 23 paaralan sa Lungsod ng Balanga pribado at publiko.

Layunin ng paligsahan na ito na maipadama nating mga Balangueño ang pagmamalaki sa pagiging Balangueño. Sapagkat ang awiting Dugong Balangueño ay sumasalamin sa kung ano ang Lungsod ng Balanga. Isa ring paraan ito upang higit na makilala ang ating lungsod kasabay ng paghanga at pagkilala dito.

Sa pangunguna ng mga guro na sina Gng. Jennifer A. Quiroz, Gng. Leny S. Gutierrez at Gng. Ana G. Taguinod at sa pagsuporta ng mabait, masipag, matiyaga at butihing punungguro ng ating paaralan na si Gng. Amelia T. Inieto, naisagawa ang paghahanda at pag-eensayo ng mga mag-aaral.

Sa unang pagsubok o ang elimination round ay nanguna ang ating paaralan at napabilang sa tinatawag na five (5) finalists. Dahilan ito upang higit pa ang gawing pagsasanay at tuluyang makamit ang inaasam na pagkapanalo.

Bagama’t hindi nagtagumpay at naging 4th placer, ay buong puso at pagmamalaki pa rin ang nararamdaman ng Cataning Elementary School dahil napatunayan pa rin na hindi pahuhuli sa ibang paaralan ang galing at talento ng ating mga mag-aaral at mga guro.

            Lubos din ang pasasalamat ng buong paaralan sa mga nagbigay ng tulong, mga mag-aaral, mga magulang at mga guro na nagpakita ng pagsuporta sa labang kinaharap ng ating paaralan.

Comments